An Open Letter to Vic Sotto from Lourd de Veyra Goes Viral


Multi-awarded musician and journalist Lourd de Veyra wrote an Open Letter to Vic Sotto about his entry My Little Bossings to the Metro Manila Film Festival and his previous movie projects.

An Open Letter to Vic Sotto

Published originally in SPOT.ph, the popular activist voiced out his opinion regarding Sotto’s movie projects that lack quality and substance.

Dear Bossing Vic Sotto,

Una sa lahat, happy new year.

Magpapakilala muna ako. Ako po si Lourd de Veyra. Fan ako ng Tito, Vic, and Joey bago pa lang ako natutong magsulat—kung tutuusin, kaya kong magsulat ng academic thesis tungkol sa mga pelikula ninyo (Ang kaibigan kong direktor na si R.A Rivera ang gumawa naman ng undergraduate dissertation sa UP tungkol sa mga pelikulang pinagtampokan nina Joey at Rene Requiestas. Naka-uno daw siya kay Dr. Nicanor Tiongson). Kaya kong magdiskurso tungkol sa parodic element ng Ready… Aim… Fire at Forward March laban sa estado ng kapulisan at militar nung ’80s. Puwede rin nating pag-usapan ang Doctor, Doctor I Am Sick bilang isang satirikong pagpuna sa medical malpractice (genius ang eksenang kinukunan ng 1,000 cc ng dugo si Palito), ang mga surrealistikong katangian ng Fly Me to the Moon, ang pagsubvert ng Kabayo Kids sa imahen ng Japanese superhero groups at paghihinete sa Pilipinas, ang Ma’am May We Go Out bilang isang critique ng Philippine educational system, etc.

Joke lang. Sinusubukan ko lang i-justify. Pero sa totoo lang, ika nga, silliness is its own joyful justification. Gusto ko lang ipakita lang na hindi ako high-brow snob na nanggagaling sa kawalan (Alam mo yung mga tipong manonood ng Bresson o Godard para aliwin ang sarili?).

Sabihin na lang natin na kayong tatlo ang Gomburza ng komedya para sa aming henerasyon. Kung ano man ako ngayon bilang tao at manlilikha, siguradong may bahid ng inyong impluwensiya. Nakatatak sa kamalayan namin ang mga eksena, ang mga “acheche!”

Sumusulat ako dahil film fest na naman.

As usual, ikaw na naman ang topgrosser. May special effects at mga engka-engkanto man o wala. Ang tindi lang talaga ng pulso mo sa bata, kaya naman ikaw ang consistent topgrosser. Bagong record daw: P50.4 million?

Pero kapapanood ko lang nung My Little Bossings. May problema ako eh. Malaki.

Saan ba tayo magsisimula?

Sabihin na lang natin na hindi ako ang audience ng My Little Bossings. At tama nga—paglabas ko ng sinehan, puro mga chikiting ang nakapila. Obvious naman kung anong demographic ang puntirya nito. Alam ko ang unang depensa niyo ng mga producers: hindi ako ang audience niyo. “Eh di huwag ka na lang manood.”

Pero huwag naman ganun, Bossing.

Nagbayad ako ng P220 kaya karapatan ko bilang manonood na magbahagi ng saloobin.

Gaano niyo ba kabilis ginawa ito? May pakiramdam ito na parang tatlong araw lang eh, parang minadali, or what we in our circles refer to as: PNY (“Puwede na ’yan.”)

Hindi kami nagbayad ng P220 para bentahan ng pancit canton, tinapay, sabong panlaba, cough syrup, at kung ano-ano pang produkto ang ine-endorse ninyong dalawa ni Kris Aquino. Ganoon na ba kayo ka-desperado? Hindi naman siguro.

Hindi kami nagbayad ng P220 para lunukin ang storyline na may babaeng willing magbayad ng P20 million para patirahin anak sa bahay ng accountant niyang hindi naman niya ka-close. Mahirap lunukin ang kuwento na may babaeng milyonara at edukada na magpapadala sa banta ng salbaheng kapatid na isisiwalat raw sa media na siya (Kris) ang mastermind ng pyramiding scam (Nalito ka ba? Ako rin eh).

Mabuti na lang at nandun ka, bossing. Nandun din si Ryzza. At higit sa lahat, nandun si Aiza na ako’y hindi natatakot na ideklara bilang isa sa mga pinakamahuhusay na artista ngayon.

Kulang sa exposure yung batang babaeng mataba. Ang ganung level ng pagka-cute, dapat nasa kanya ang 90% ng camera. Yung batang lalaki naman… Ano ba… sana magaling magbasketbol paglaki niya (Saka kung gusto niyang mag-artista sa Pilipinas, mag-aral siya ng Tagalog).

Pero bossing, maiba tayo: hanggang ganito na lang ba?

Pagkakataon niyo na sana. Kayong dalawa ni Kris Aquino ang dalawa sa mga pinakamakapangyarihang pangalan sa showbiz ngayon. Ang daming nagtitiwala sa inyo. Ang dami-dami niyong puwedeng gawin. But this is the best you can come up with? ’Wag niyo sabihing “Pinaghirapan namin ito,” dahil maglolokohan lang tayo.

’Wag niyo ring sabihing, “Ano bang problema mo? Eh masaya naman sila.” Please naman.

Take note: hindi nanood ang mga tao ng My Little Bossings dahil tingin nila’y maganda ang plot at storyline—wala naman ito sa mga trailer eh, hindi pinakita. Pero hindi naman porke naka-bangko kayo sa ka-kyutan ni Ryzza Mae at patawa mo ay PNY na lang ang ibang aspekto ng pelikula.

Sa totoo lang, ang huling pelikula mong pinanood ko sa sinehan mismo habang film fest ay Iskul Bukol: The Reunion. Bilang miyembro ng henerasyon na lumaki sa Iskul Bukol, sabihin na lang natin na ako’y disappointed—dahil kalahati ng pelikula ay nauwi pa rin sa mala-Enteng Kabisote na habulan, barilan, at pakikipagdigma sa mga pantastikong nilalang (Ang saving grace lamang ng pelikula ay ang linya ni Joey de Leon na “I want to be an eskimo/ Es, es, / Ki-…”).

Bossing, heto lang talaga ang gusto kong sabihin. Ngayon ikaw ay nasa maimpluwensiyal at makapangyarihang posisyon. Kaya mong gumawa ng mga pelikulang makabuluhan, isang pelikulang maipagmamalaki ng lahat sa punto de bista ng kultura at estetiko. Hindi ko sinasabing gumawa ka ng indie film na may mga tauhan na nakakatitig lang ng isang oras sa kawalan. Hindi ko sinasabing gumawa ka ng pelikulang tatlong tao lang ang nakakaintindi, yung tipong masusuka ka sa lalim. Hindi ko sinasabing gumawa ka ng pelikulang pang-Cannes. Pero wala namang masama dun, ’di ba? Buti pa nga si ER Ejercito eh, nagte-take ng risks sa mga pino-produce na proyekto (Ampangit lang ng mga poster; siya raw kasi mismo ang nagde-design porke’t VisCom grad daw ng UP Fine Arts).

Hindi ka na rin bumabata. Panahon nang gumawa ka ng pelikulang puwede mong ipagmalaki sa lahat—mula sa iyong mga magiging apo hanggang sa mga “supladong” kritiko. Minsan kasi may punto rin sila.

At least si Dolphy, merong Tatay Kong Nanay. Ang problema, bossing, mukhang wala sa filmography mo—mula sa Good Morning, Titser hanggang sa Enteng ng Ina Mo— ang puwedeng mapabilang sa tinatawag na “canon” ng Pinoy cinema. Kahit isa lang? And don’t even think about remaking Tatay Kong Nanay—that would be sacrilege. Please.

Tingin ko’y posible naman ito. Nasa posisyon ka na kumuha ng mahuhusay na manunulat at director na kayang magbalanse ng komersiyal na elemento at ng tinatawag na diskurso sa kondisyong mortal. Kunwari, sa bawat tatlo o apat na fantasy- o romance-comedy, ano ba naman ang lumikha ng isang komedya na tatalakay sa isang isyu ng lipunan, isang pelikulang kikiliti rin sa kanilang mga puso? Kikiliti na parang hindi “cheap” at parang hindi masyadong pinag-isipan.

You’ve always understood your strength as an actor: for the past several decades, mapa-Enteng man o partner ni Dolphy, you’ve always played the same character. At alam mong click ito—at mukhang ito ang nagugustuhan sa iyo ng Filipino audience, dahil honest ka lagi sa iyong karakter. Pero what if: kunin mo ang prototypical Vic Sotto role at ilagay sa isang sitwasyon na sumasalamin sa kondisyon ng mas nakakarami nating kababayan? Imbes na mga multo at lamanglupa ang humahabol sa iyo, bakit hindi mga abusadong pulis, mga mapang-aping panginoong may-lupa? O kaya’y mga pork barrel scammers. Puwede namang magpatawa pa rin habang nagtataas ng antas ng kalidad ng paggawa ng pelikula. At hindi na nito kailangan ng mga mamahaling special effects. Kayang kaya niyo ’yan—we only have to look at Eat Bulaga’s Lenten specials. May kurot talaga sa damdamin.

Bossing, kahit wala ka sa politika, ikaw ay kasama sa iilan sa industriya na may pagkakataong baguhin ang kamalayan at panlasa ng mga manonood—kahit pa-konti-konti lang.

Sana’y pag-isipan mo ang posterity. Tandaan: iba ang paghusga ng sining at kasaysayan. Twenty years from now, wala nang makakaalala ng My Little Bossings, kahit kumita ito ng lampas P50 million. Hindi ito pag-aaralan at hihimayin sa mga unibersidad bilang halimbawa ng isang mahusay na pelikula. Puwede kang makabola sa festival, pero, ika nga ni Andres Bonifacio, hindi mo puwedeng takasan ang hatol ng kasaysayan. Hindi rin naman kumita ang Kisapmata ni Mike de Leon, pero sino ang nakakaalala sa mga kasabay nito sa 1981 Metro Manila Film Fest: Tropang Bulilit ni Nino Mulach (Ito malamang ang My Little Bossings nung panahong yun), Babae sa Ulog (starring Jean Saburit), Init o Lamig (Dindo Fernando, Gina Alajar), Kamlon ni Ramon Revilla?

Bossing, ayaw mo bang maging Chaplin? Na hindi lang nagpatawa kundi tumalakay din sa human condition at nagkaroon ng komentaryo sa lipunan (The Dictator, Modern Times)?

Alam kong hindi madaling gumawa ng pelikula. At mas accurate: alam kong hindi madaling magproduce. At ikaw mismo bilang producer na nagpapatakbo ng isang kumpanya, isanlibo’t isa ang mga konsiderasyon. Naiintindihan ko na negosyo pa rin ’yan. At hindi lingid sa akin ang maraming hamon sa bawat proyekto (’Yan minsan ang hindi naiintindihan ng ilang kritiko—porke’t walang slum area at handheld camera at Joel Torre o Ronnie Lazaro sa pelikula, basura sa kanila).

Tingin ko naman ay puwedeng gumawa ng pelikulang nakakaaliw at pipilahan ng buong pamilya—na hindi sinasakripisyo ang kalidad ng kuwento. Ang tagal mo nang kumikita, bossing. Malaki-laki na rin ang naibigay sa iyo ng taumbayan. Oras na siguro para sila ay suklian. Magbalik ka naman. To whom much is given, much is required, ika nga ng Bibliya.

Marami kang batang pinasaya at patuloy na napasaya—at isa na ako doon. Tutal Pasko naman, di ba, Bossing? (Christmas season parin hanggang Three Kings.) If Christmas is for children, isip bata pa rin naman ako. Sige na.

Your fan,
Lourd de Veyra

About these ads

13 thoughts on “An Open Letter to Vic Sotto from Lourd de Veyra Goes Viral

  1. Choice naman natin kung gusto natin manoond ng sine at magbayad kung magkano man para aliwin ang ating mga sarili. Are you a fan of Johnny Depp, Tom Cruise or Nick Cage? Meron ding sialng pelikulang walang saysay at walang kwenta di ba? How do I kow this? Kasi nagbayad ako $10 para mapanood and I felt like an idiot wasting my hard earned money. And of course, I did not blame them for losing my 10 bucks kasi decision ko yun. What about a letter to vice ganda for playing 3 characters eventhough he/she is not funny (Vice might beg to differ but that is his/her opinion) and making money anyway? One of the commenters said something about ang alam na natin ang plot from the very beginning. That is very true lalo na pagdating sa teleserye. And speaking of teleserye, what the f#*k is up with Please be carefuol with my heart? I heard that that show is still on the air. Maybe you oughta write an open letter to them as well for dragging that show forever. I am quite sure that they also have well placed products, have dialogs in english plus and the millionaire…correction, multi millionaire marrying a yaya is so proposterous when there were so manyway better looking girls than the yaya. Parang fantaserye ang plot. I suggest that you write a letter to Delima for sacking Davidson Bangayan so quickly yet there are no progress being made in the 10 billion peso scam. Ngayon naka focus na lahat sa rice smuggling case. Pwede ring sumulat ka sa Meralco or better yet, kay Noynoy Aquino. Meron bang saysay yung My little bossing? I can’ t tell you kasi hindi ko naman panonoorin kasi hindi yung ang mga tipo ko na pelikula. Meron bang kwenta and It’s Showtime? I can’t tell you either kasi I despise vice. How about Eat Bulaga? Well, I only watch the All for Juan Juan for All portion and I like how they stretch out their hands to help out. Just occured to me that Vic Sotto does not have to anything kasi sila lang ang merong show na na franchise sa ibang bansa and I heard magkakaroon na rin ng Eat Bulaga Malaysia plus sila ang longest running noon time show and that is Bad Ass!!

  2. Dear Lourd,

    Hindi talaga ako nanood ng pelikulang pilipino… feeling ko kasi umplisa pa lang alam mo na ang mangyayari at magaganap at kung paano ito magtatapos. walang pinagkaiba sa telenovela sa telebisyon. Nakaka-disappointed talaga na milyong milyong tao ang pumipila na mapupunta lang sa iilang tao ang kanilang pera… wala itong pinagkaiba sa pork barrel… buti pa yong pork barrel nakakatulong pa kahit papaano sa mga hospital at libreng paeskwela ika nga… pero ito 220 sa dalawang oras na nakakaaliw kuno… hay… kailan pa kaya tayo gigising mga madlang people…

  3. magaling ka nga talaga Mr. Lourd sa pagpintas ng pelikula, dapat ay gawa ka din kaya ng storyline mo na pwede mong i present para yun ang tularan ng mga kapita pitagang artista na tinitingala mo……

  4. Dear Lourd,

    Alam mo kahit isang araw lang ginawa yang pelikula basta nakapagpasaya ng mga tao, wala kang pakialam kahit kasing babaw ng utak mo yung movie, Hindi kailangan ni bossing maalala bilang magaling na actor o producer, kundi isang taong nagpapasaya ng mga Filipino..manood ka nalang isang pelikula na kinabibilangan mo..gusto mo yung apat ang katauhan…parang pulitiko,.nagmamagaling pagnanalo eh.iba na ugali…manahimik ka nalang..YAWA KA!

  5. medyo masakit man tong open letter na ito kasi idol natin si bossing, pero may punto tong si Lourd, umintindi tayo ng malalim. pag di nyo na gets ang niloloob sa sulat. sabihin na lang natin na medyo mababaw at makitid utak nyo. hehe sori. kung wala si ryza at bossing vic dito. di ako nanuud eh. kaka bwesit din minsan ung mga indorsement na gma sabong panlaba sa movie. hehe mag isisp2x din mga pre. wag nyong hayaan na matukso kayong mongoloid dahil sa mga komento nyo. hehe peace!

  6. Grabe! gumagawa talaga kayo ng paraan para manira.

    kung ginawa mo to dapat sa hindi pa nagsisimula ang festival o magsisimula pa lang mag plano ang mga producers. (Halatang may intensyon).

    alam ko na yan style na criticism na may halong friendly approach, ginawa ko na yan, kaya lang may tamang panahon.

    @utak mang mang ka!! bobo ka pala, di mo ba na gets?!

    halatang panira, bobo mo “@utak mang mang ka”! mag-isip ka rin paminsan-minsan wag dada agad.

  7. Sa masa ka mag padala ng sulat, dahil hindi lahat ng tao sa Pilipinas ay katulad ng pag-iisip mo.

    Kung gusto mong maging masaya ang iyong sarili at makuntento ka, gawa ka ng sarili mong Film tapos, sulatan mo lahat ng moviegoers at sabihin mo ito ang dapat nilang panoorin dahil ito para sa mga matatalino.

    at higit sa lahat! matagal ng nagbibigay at tumutulong si Bossing (hindi mo ata alam yan, at sa tingin mo sa iyong sarili na parang ang dami mong alam ni pagtulong ni Bossing DI MO ALAM?).

    Papansin ka lang ata no?
    ibigay mo to mismo kay Bossing Vic, wag na i-post dito sa web (gusto pa i public), ang korne mo!

    Mag basa-basa ka rin paminsan-minsan o di kaya ay magmasid sa kapaligiran dahil marami ka pang hindi alam na sa akala mo alam mo.

  8. Dear Lourdes,
    Pasensya ka na ha, pero kng ako sa yo mag produce ka na lang para makuntento ka sa gusto mong movie. FYI, hindi ako mahilig manood ng sine, matanda na ako pero nanood ako ng little bossing just to see Ryzza mae, Bimby and of course Kris, at akoy naaliw talaga. . huwag mo naman sabihin pang bobo lang yong movie. mababaw lang talaga ang happiness ko eh. hindi ako manood ng sine para lang masabing intelihente ako. . nag babayad ako para lang makita ko ang gusto ko sa pinanonood ko. Okay ka lang? Mag apply ka kayang mag director para at least mapanood mo ang gusto mo. .kng walang manood, well, problema mo yan.

Share your thoughts!

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s